STO. DOMINGO, Albay, Philippines — Nanawagan si Mayor Joseling “Jun” Aguas Jr. sa gobyerno na tulungan silang tuluyan nang mapatigil ang quarry operation sa itaas na bahagi ng bulkang Mayon na sakop ng bayang ito dahil sa nararanasang malaking kakulangan ng suplay ng maiinom na malinis na tubig sa kanyang bayan.
Ang panawagan ay ginawa ng alkalde makaraang masira ang pinakamalaking pinagkukunan nila ng tubig sa Brgy. Lidong dahil sa ginagawang quarry operations ng ilang kumpanya. Libu-libo rin umanong residente ang ilang buwan nang walang matinong mapagkukunan ng tubig dahil sa pagkasira ng water source.
Maging ang iba pang lungsod at bayang nakapalibot sa Mt. Mayon ay umaasa sa source ng tubig sa ibabang bahagi ng bulkan.
Bunsod nito, susulat ang alkalde kay Sec. Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources upang pormal na hilingin na huwag nang isabay ang Sto. Domingo sa bibigyan ng industrial sand and gravel permit para wala nang makapag-quarry ng aggregates sa itaas na bahagi ng bulkan habang patuloy sila sa paghahanap ng source ng tubig at maisaayos ang nasira nilang dating pinagkukunan ng malinis na inumin.