TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dalawang policewoman ang ninakawan ng kanilang mga baril matapos biktimahin ng “Basag-Kotse Gang” habang sila’y nagsasanay sa pagsakay ng motorsiklo sa Barangay Carig Norte ng lungsod na ito kamakalawa.
Sa report na nakarating kay Lt. Colonel Jonalyn Tecbobolan, hepe ng Tuguegarao City Police Station; iniwan nina Lt. Junatess Acacio ng Santiago City Police at Patrolwoman Belinda Andes, 28, ng Police Regional Office ang kanilang mga service 9mm pistol sa loob ng kotse ng una dakong alas-7:45 ng umaga para dumalo sa Motorcycle Riding Course Training.
Pero bandang alas-4:35 ng hapon na nang kanilang balikan ang parking at nadiskubreng basag na ang likurang kaliwang bintana ng sasakyan ni Acacio.
Nanlumo ang dalawa nang malamang tinangay na ng mga kawatan ang kani-kanilang bag na sisidlan ng kanilang mga armas at personal na gamit.
Patuloy na sinisiyasat ng mga imbestigador ang pangyayari.