DepEd binira ng 5 solon sa maling modules vs Igorots
Matapos mag-viral sa social media
SANTIAGO CITY, Philippines — Nagkaisa na sa pagkondena ang limang mambabatas na nakabase sa Cordillera Administrative Region (CAR) laban sa Department of Education (DepEd) matapos bumaha sa social media ang tungkol sa mga learning modules at libro na naglalaman ng mga maling impormasyon at diskriminasyon sa mga katutubong Igorot.
Sa nilagdaan na Resolution No. 1552 na inihain sa Kamara kamakalawa nina Congressman Solomon Chungalao mula sa Ifugao; Cong. Allen Jesse Mangaoang ng Kalinga; Cong. Maximo Dalog Jr., ng Mountain Province; Cong. Elias Balut Jr., ng Apayao at Cong. Eric Go Yap ng Benguet, kanilang kinondena ang DepEd dahil sa anila’y maling konsepto, kaalaman at paggamit sa salitang Igorot sa kanilang aralin.
“Be it resolved by the House of Representatives to condemned the erroneous portrayals of the Igorots and Indigenous Peoples in textbooks, learning modules and instructional materials, and to direct the Department of Education to make a thorough review of all textbooks, instructional materials, and learning modules and correct any text which depict in a discriminatory way Igorots and Indigenous Peoples,” nakasaad sa resolusyon.
Iginiit ng mga mambabatas sa mga may-akda at publishers ng mga libro o modules na bawiin lahat ang sirkulasyon, gumawa ng agarang pagtutuwid para maiwasan ang pagtuturo sa mga maling impormasyon at maiwasan ang diskriminasyon.
Nabatid na nitong Pebrero 4, sumulat si Rep. Dalog kay Education Sec. Leonor Briones matapos umalma sa social media ang karamihang residente sa Cordillera bilang pagtutol sa mga maling impormasyon at pagsasalarawan sa mga katutubong Igorot. Kabilang na rito ang paghahalintulad sa bagay ng mga Igorot sa bahay ng langgam at itik o bibe, ang tila walang kakayahan ng mga Igorot na makatapos sa pag-aaral, ang maling pagsasalarawan sa anyo ng mga Igorot, ang maling lokasyon ng tanyag na Banaue Rice Terraces kabilang na rin ang mga katutubong Aeta na sinasabing matatagpuan sa lalawigan ng Ifugao.
Bilang tugon, sinabi ni DepEd-Regional Director Estela Carino ng Cordillera na natunton na nila ang isa sa mga may-akda at agad na rin silang gumawa ng hakbang matapos silang ulanin ng batikos sa social media.
- Latest