18 sugatan, higit 30 istraktura nasira sa lindol
8 landslides naitala rin sa Mindanao
MANILA, Philippines — Nasa18 katao ang sugatan habang mahigit 30 na istraktura ang napinsala sa Region 11 at 12 nang tumama ang 6.3 magnitude na lindol sa Magsaysay, Davao Del Sur na yumanig din sa mga lalawigan ng Mindanao kamakalawa.
Sa nakuhang ulat kahapon ng PSN mula kay North Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) officer Engr. Arnulfo Villaruz, kabuuang 21 bahay ang nasira sa probinsya na kinabibilangan ng 14 sa bayan ng Mlang at anim sa Kabacan.
Dahil sa lakas ng pagyanig, walong tao ang nasugatan sa Makilala, isa sa Kidapawan City at 9 sa Mlang.
Ayon naman kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, nasa 45 indibiduwal pa ang nailikas sa Region 11 at kailangang i-relocate sa UP Mindanao Faculty and Staff Housing-Temporary Treatment and Monitoring Facility.
Limang imprastraktura rin ang partially damage kabilang ang dalawang simbahan sa M’lang, Cotabato; isang ospital sa Isulan, Sultan Kudarat at dalawang pribadong gusali sa Kabacan, Cotabato
Kinailangan ding ilikas ang mga pasyente ng Kidapawan Medical Specialist, Madonna Medical Center, at Kidapawan Doctors Hospital Inc, para ma-inspeksyon ang mga gusali, pero agad din nakabalik.
Dahil sa malakas na lindol, pitong landslides ang naitala sa Makilala at isa sa M’lang, pawang sa Cotabato.
Sinuspindi na ng lokal ng pamahalaan ng Kidapawan City City at DepEd Cotabato School Division ang kanilang pasok ngayong alas-8 ng umaga hanggang alas-12ng tanghali para sa structural assessment ng kanilang gusali. – Rhoderick Beñez
- Latest