TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Naaresto ang isang umano’y durugistang nurse sa isang COVID-19 hospital matapos masamsam ng awtoridad ang droga at mga bala sa isinagawang raid sa kanyang lungga sa Barangay Pengue-Ruyu ng lungsod na ito noong Linggo.
Kinilala ni Major Joefersson Gannaban ng Cagayan Police Office ang dinakip na si Paul Vincent Magcalas, 35, na kasalukuyan nag-aaral ng medisina sa isang pamantasan dito.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Tuguegarao City MCTC Judge Rene Baculi, nasamsam sa pag-iingat ni Magcalas ang apat na sachet na shabu, 50 pirasong bala ng kalibre 45 at sari-saring drug paraphernalia.
Ayon kay Gannaban, si Magcalas ay dati nang may kaso dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga at nakalaya lang dahil sa plea bargaining noong 2016.
Bukod sa bala at droga, tumambad rin sa mga sumalakay na pulis ang P49,500 cash sa lugar na pinaniniwalaang kinita ni Magcalas sa drug trade.