ANGELES CITY, Philippines — Nauwi sa madugong engkuwentro ang paghahain ng warrant of arrest ng pulisya laban sa lider ng kilabot na “Espinola Crime Group” na responsable umano sa drug trafficking at gunrunning sa Brgy. Amsic, dito kahapon ng madaling araw.
Sa ulat buhat sa tanggapan ni P/Major Daryl Gonzales, hepe ng City Intelligence Unit, kinilala ang suspek na si Gerald Espinola alias “Hapon”, residente ng Hadrian St., Brgy. Balibago, Angeles City.
Si alias Hapon ay nasa mga listahan ng Most Wanted Persons, city level at Recalibrated Priority Database on Illegal Drugs, at Priortiy 10 High Value Target, regional level.
Sa report, pasado alas- 2:30 ng madaling araw, sinalakay ng intelligence operatives ng Angeles City Police na pinamumunuan ni Col. Rommel Sta. Ana ang hideout ni Hapon, bitbit ang arrest warrant sa kasong droga na inisyu ni Omar Viola, presiding judge ng RTC Branch 57 sa Angeles City na may petsang Disyembre 21, 2020 at walang inirekomendang piyansa.
Imbes na sumuko, agad umanong bumunot ng cal. 45 pistol ang suspek at pinaputukan ang mga pulis sanhi ng shootout at kanyang ikinasawi.