MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-akyat ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Cordillera Administrative Region (CAR) matapos mapasok ang Mountain Province ng mas nakahahawang bagong variant, na unang nakita sa United Kingdom.
Lumabas na kasi ang pinakabagong laboratory results na una hanggang ikatlong henerasyon ng COVID-19 close contacts sa hilagang rehiyon ng Luzon, ayon sa Department of Health (DOH).
Umabot na sa 410 ang close contacts ng "Bontoc UK variant cluster." Iba pa 'yan sa 37 close contacts ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa La Trinidad, Benguet as of Jan. 31, 2021.
Sa close contacts na 'yan, narito ang mga nagpositibo:
- Bontoc, Mt. Province (83)
- La Trinidad, Benguet (6)
"Doon po sa 83 [na positibo sa Bontoc]... additional eight na mga positive for RT-PCR are for sequencing [para malaman kung may UK variant]," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes.
"From the La Trinidad case, 37 were identified as contacts, six were positive, and two of these six were sent for sequencing."
Sa bilang na 'yan, 12 pa rin ang positibo sa UK variant sa Bontoc. Ang Bontoc ang may pinakamaraming kumpirmadong kaso ng UK COVID-19 variant sa Pilipinas, na 70% mas nakahahawa kaysa normal.
Nagpapatupad pa rin ng pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa limang baranggay sa Bontoc kasunod ng UK variant infections. Tatagal ito hanggang ika-7 ng Pebrero, 2021.
Wala pang new variant case sa La Trinidad, Benguet, taliwas sa unang nai-report noong nakaraang linggo.
Hindi ise-'sequence' lahat ng UK variant contacts
Kahit na dumarami ang kaso ng COVID-19 sa Cordillera, ipinaliwanag ng DOH na hindi lahat ng nagpositibong "contacts" ng may bagong variant ang ipapa-genome sequencing. Ito ang prosesong ginagawa para malaman kung may UK variant ang isang tao.
"Kasi kalangan po i-check 'yung [cycle threshold] value at tska 'yung quantity ng specimen kung sukat doon sa standards ng Philippine Genome Center to do their sequencing. That's why ito lang po ang napili para po pumasok doon sa standards and we can sequence," ani Vergeire.
Una nang sinabi ng DOH na dapat mas mababa sa 30 ang CT value ng isang tao para maging accurate ang mga testing na gagawin ng PGC. Ang naturang lugar ang gumagawa ng mga pagsusulit kung may UK variant ang pasyente.
Sa huling ulat ng gobyerno, umabot na sa 525,618 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 10,749 katao.