MANILA, Philippines — Mariing tinututulan ng mamamayan ng Sulu ang pagpapaliban ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR) election at pagpapalawig sa katungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Ito ang inihayag ni Sulu Governor Abdusakur M. Tan sa kanyang memorandum kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 6, 2020, at muling tinukoy ang pagtutol ng gobernador sa Zoom meeting ng Suffrage Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Enero 20, 2021.
Sa ilalim ng R.A.11054 o ng Bangsamoro Organic Law (BOL), isasabay sa pambansang halalan sa Mayo, 2022 ang eleksiyon ng mga opisyal ng BAR na sa kasalukuyang pinamumunuan ng mga itinalaga ng Pangulo na pawang kabilang sa BTA. Limang panukalang batas ang naihain na sa Mababang Kapulungan na nananawagang ipagpaliban muna hanggang taong 2025 ang BAR election at pagpapalawig sa mga opisyal ng BTA.
Ayon kay Gov. Tan, ang pagpapaliban sa halalan ng BAR at pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng BTA ay magdudulot lamang ng pagkaantala ng karapatan ng mga taga-rehiyon na pamunuan ang kanilang mamamayan at susupil sa kanilang oportunidad at responsibilidad na patunayang kaya nilang pamunuan ang kanilang mamamayan.
Naniniwala ang Sulu governor na ginagamit lamang ng BTA bilang dahilan sa kanilang kabiguang makabuo ng political at legislative infrastructure na magbibigay daan sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan. Sa anim aniyang prayoridad na batas na itinatakda ng BOL, ang Bangsamoro Administrative Code lamang ang kanilang napagtibay mula nang buuin ang BTA noong 2019.