SAN LEONARDO, Nueva Ecija , Philippines — Isang 37-anyos na babae at 51-anyos na lalaki ang inaresto ng pulisya makaraang mabilhan ng pekeng sigarilyo ng poseur-buyer sa inilatag na entrapment operation sa Barangay Diversion ng bayang ito,kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang dalawang nasakoteng suspek na sina Maria Rhea Liza Quiambao at Ramil Santos, kapwa may-asawa at residente ng Barangay Bayan, Orani, Bataan.
Ayon sa San Leonardo Police, alas-2:00 ng hapon ng Miyerkules ay nabilhan ng operatiba ng pulisya ang dalawang suspek ng isang 100 rims o 1,000 pakete ng umano’y pekeng Two Moon cigarettes na nakalagay sa dalawang malalaking karton.
Matapos maiabot ng poseur-buyer ang P9,000 cash sa dalawang suspek ay doon na pumasok ang iba pang operatiba ng pulisya at inaresto ang dalawang suspek.
Walang naipakitang papeles ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 8293 o mas kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines.