Kidnap victim pinatay, 8 Chinese timbog!
MANILA, Philippines — Nadakip ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang walong miyembro ng tinaguriang Qun Deng-Xiaopen-Nanlu Chinese kidnap for ransom group (KFRG) matapos nilang patayin ang isa sa kanilang biktima sa isinagawang pagsalakay sa Southwoods, Brgy. San Vicente, Rosario Complex, San Pedro, Laguna.
Kinilala ni CIDG director M/Gen. Joel Coronel ang mga naarestong Chinese na sina Qun Deng alyas “Xiao Pei”; Kang Jia Wei alyas “Nan Lu”; Gui Chen, Shu Liu Tao; Denz Zi Yi; Feng Quing Xin; Huang Xiang Bin at Nicanor Pantis alyas “Noki”.
Ayon kay Coronel, nagsumbong ang manager ng Smartwin Technology Inc sa CIDG kaugnay sa pagkidnap at pagpatay sa isa nilang empleyado na nakilalang si Lyu Long. Nanghingi umano si Qun Deng ng 1-million RMB (renminbi) sa supervisor ni Lyu Long kapalit ng kalayaan ng huli at kaibigang si Liu Xue Xue alyas “Meng Mo,” na kasamang dinukot noong Disyembre 23, 2020.
Subalit matapos na magbayad ng 403,000 RMB ang supervisor, hindi pa rin pinakawalan ng mga suspek ang dalawang biktima at patuloy na nanghingi ng ransom.
Makalipas ang ilang araw, nakatanggap ang kompanya ng report na pinatay ng mga kidnaper si Lyu Long kaya humingi na sila ng tulong sa CIDG at isinagawa ang entrapment operation.
Pinayuhan ng mga otoridad ang manager ng kompanya na kumbinsihin ang mga kidnaper na gawing Philippine currency imbes ng RMB ang ransom para sa kalayaan ni Liu Xue Xue. Nagkasundo ang manager ng kompanya at ang mga suspek na magkikita sa may Brgy. San Francisco, Biñan City kung saan dumating si Qun Deng at Pantis sakay ng kotse. Lumapit si Qun Deng sa sasakyan para kunin ang boodle money sa manager kaya siya naaresto habang mabilis na tumakas si Pantis.
Sa pamamagitan ni Qun Deng, tinungo ng CIDG ang pinagtaguan kay Liu Xeu Xeu sa Silcres Subdivision sa San Pedro, Laguna at matagumpay na na-rescue ang babae.
Sa pagpapatuloy ng operasyon, nadakip din sina Pantis at Kang Jia Wei sa Manila Southwoods Golf and Country Club sa Biñan City. Nakuha sa raid ang 1-caliber .45 pistol, 1-caliber .9mm pistol; 1-caliber .22 magnum; 70 rounds ng assorted ammunition, boodle money na initial ransom money at Toyota Vios na pinaniniwalaang ginagamit ng grupo sa kanilang KFR activities.
Lumitaw na si Lyu Long ay pinatay sa isang resort sa Talisay City, Batangas at itinapon lamang sa bangin sa Tagaytay-Talisay Road. Natagpuan ang bangkay nito noong Enero 3, 2021 dakong alas-3 ng hapon ng isang residente.
Si Liu Xue Xue naman na unang dinala sa isang bahay na pinagdalhan din kay Lyu Long, ay ginahasa pa ni Shu Liu Tao at saka dinala sa isang resort sa Talisay, Batangas.
Ang nasabing grupo ang responsable rin sa pagdukot kay Guang Lin noong Disyembre 18, 2020. Nagbayad ang pinsan ni Guang Lin ng ransom subalit binaril din siya at itinapon sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City, Cavite pero himalang nabuhay at tinukoy sa mga awtoridad ang mga abductors nito.
- Latest