Empleyado ng Fishery nahulog sa puno, patay
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Nasawi sa pagkalunod ang isang kawani ng Provincial Fishery Station matapos mahulog sa puno ng bayabas at dumiretso sa maburak na fish pond sa Brgy. Centro, Sta. Ana, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ng Pulisya ang nasawing kawani na si Jaime Casil.
Ayon sa report, nangyari ang trahedya habang nagbubunot ng damo si Casil sa gilid ng palaisdaan.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima nang lumutang na ito sa palaisdaan dakong alas 6:30 ng gabi.
Teorya ng mga imbestigador, natuksong akyatin ng biktima ang mga bunga ng punong bayabas nang mabali ang kinapitan nitong sanga saka nahulog at lumubog sa tubig nang walang nakapuna.
Base sa pagsusuri ng Municipal Health Office sa pagkalunod ang ikinamatay ni Casil at pawang hindi ito sanhi ng foul play.
- Latest