MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Ganap nang isang batas (Republic Act 11506) ang ipinagkaloob na prangkisa para sa pagtatayo ng New Manila International Airport (NMIA) sa lalawigang ito.
Base sa ipinadalang dokumento ni Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan, kung saan matatagpuan ang bayan ng Bulakan na pagtatayuan ng NMIA, 50-taong prangkisa ang ipinagkaloob sa San Miguel Aerocity Inc. na siyang konsesyonaryo sa pagtatayo, pagbubukas at operasyon ng naturang paliparan.
Sa inakdang House Bill 7507, nakapaloob sa prangkisa ang pagbibigay ng palugit na 10-taon upang kumpletuhin ang konstruksyon ng NMIA at pasimulan ang operasyon nito sa 2,500 ektaryang lupain sa Bulakan na katabi ng Manila Bay.
Inuutusan din ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bigyan ng operating permit ito sa loob ng isang taon matapos makumpleto ang konstruksyon.
Sa panayam ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), sinabi ni Eduardo Raoul Romulo, chief financial officer at treasury head ng San Miguel Holdings Corporation na inaasahang matatapos ang konstruksyon ng bagong paliparan sa pagitan ng 2025 at 2026.
Tinatayang 30 milyong bagong trabaho ang malilikha ng konstruksyon ng bagong airport partikular na sa larangan ng turismo.
May P735.6 billion ang kabuuang halaga ng proyekto at kasama dito ang pagtatayo ng 8-kilometrong elevated expressway mula sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Marilao patungong Brgy. Taliptip, Bulakan.