Amain kinatay ng epileptic

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Isang 34-anyos na ma­ngangalakal ang patay matapos katayin ng anak-anakang epileptic na pumagitna sa pag-aaway ng amain at kanyang ina sa Brgy. Nagassican, Santiago City, Isabela kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Francisco Gaco, 34, habang ang suspek na anak ng kanyang kinakasama ay si Resen Marquez, 25, na sinasabing may diperensya sa pag-iisip.

Sa report ng pulisya, namagitan si Marquez sa pag-aaway ng kanyang inang si Lanie Marquez, 50, at live-in partner na si Gaco na sinasabing nag-aagawan sa papeles ng kanilang motorsiklo na umano’y balak isangla ng biktima.

Nabatid na nagdilim ang paningin ng nakababatang Marquez nang sapakin siya ni Gaco kaya’t itinuhog niya sa tagiliran ng ama-amahan gamit ang tangan na kutsilyong pinanglilinis nito ng isda.

Nangisay hanggang mamatay ang duguang si Gaco sa paanan ng suspek na kalaunan ay sumuko sa mga nagrespondeng pulis.

Show comments