TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 42-anyos na pulis matapos dukutin ng ‘di kilalang mga suspek at natagpuang palutang-lutang ang katawan sa Adalam River sa liblib na lugar ng Brgy. Cabugao sa Aglipay, Quirino noong Sabado.
Kinilala ni Quirino Police director Colonel Rommel Rumbaoa ang napatay na si Chief Master Sergeant Dexter Altre, intelligence officer sa Maddela Police Station sa Quirino.
Naniniwala si Rumbaoa na “work related” ang motibo sa pagdukot at pagpaslang sa biktima.
“Likas sa trabaho ni Altre ang may masagasaan kaya’t iniligpit siya upang makaganti” wika ni Rumbaoa.
Hindi isinasantabi ng mga imbestigador ang mga anggulo na may kinalaman sa droga at insurhensiya ang pamamaslang lalo na’t nilusob na ng mga New People’s Army ang Maddela Police Station noong 2017 na ikinasawi ng isang pulis.
Sinabi ni Rumbaoa na may palatandaang pinahirapan muna si Altre bago tinapos ng mga berdugo ang buhay nito saka ito itinapon sa ilog at naanod sa Maddela.
Huling nakitang buhay si Altre sa himpilan ng Maddela Police Station noong gabi ng Disyembre 29 at naglahong parang bula hanggang sa matagpuan ang mga labi nitong palutang-lutang sa ilog.