CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Dalawang matandang babae ang inaresto ng pulisya makaraang makuhanan ng P.294 milyon na halaga ng shabu sa isang drug buy-bust operation sa Block 14 ng Barangay Campo Tinio ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Teresita Aguba, 65, biyuda, isang negosyante; at si Jamin Victory, 63, dalaga, kapwa residente ng Block 14, Barangay Campo Tinio.
Aabot sa 18-piraso ng plastic sachet ng umano’y shabu ang nakuha sa dalawang suspek na may timbang na 43.26 grams at aabot sa halagang P294,000 ang halaga.
Nabatid na bandang alas-10:30 ng gabi noong Lunes, nakabili ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ang isang poseur-buyer kay Aguba kasama ang kasabwat nitong si Victory.
Sa puntong iyon ay inaaresto ang dalawa at nakuha ang 15-pirasong plastic sachet ng umano’y shabu kay Aguba habang may 2 pa na nakuha naman kay Victory.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa sa sections 5 and 11, article II ng RA9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).