POLANGUI, Albay, Philippines — Naaagnas na nang matagpuan ang isang 34-anyos na construction worker na unang nawawala bago ang Pasko matapos na mangamoy ang bangkay nito sa madamong lugar malapit sa kanilang bahay sa Zone-3, Brgy. Sta. Teresita ng bayang ito kamakalawa.
Pinaniniwalaang nakuryente habang inaayos ang kawad ng kanilang kuryente ang biktimang si Rudy Vinas Cayas, residente ng nasabing barangay.
Sa ulat, dakong alas-6 ng umaga, nagtungo ang tatay na si Sofronio sa bahay ng anak para alamin kung nakabalik na makaraan ang ilang araw na hindi nakikita.
Gayunman, palapit pa lang ay masangsang na amoy ang agad sumalubong kay Sofronio kaya hinanap nito kung saan nanggagaling ang umaalisangaw na baho. Nagulat siya nang makita ang anak na nakasubsob sa damuhan habang hawak ang kable ng kuryente.
Brownout umano sa lugar kaya posibleng inaayos ng biktima ang kanilang kable at saka naman biglang bumalik ang kuryente kaya nangisay ito.