MANILA, Philippines — Bumuhos ng luha mula sa mga naulilang kapamilya at kaibigan nang ihatid sa kanilang huling hantungan kahapon ang mag-ina na pinatay ng isang pulis sa Paniqui, Tarlac.
Kasabay nito, tiniyak ni Police Regional Office (PRO) 3 chief Brig. Gen. Valeriano De Leon ang “speedy trial” sa kaso ng suspek na si Police Master Sergeant Jonel Nuezca na bumaril at pumatay sa mag inang Sonia at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac kamakailan.
Ayon kay De Leon, hindi maikakaila na sensationalize ang kaso kaya kailangan na agad na maresolba at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-inang Gegorio.
Aniya, hinihintay na lamang nila ang commitment order mula sa korte para mailipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Nuezca.
Dagdag ni De Leon, malakas ang mga ebidensiya laban kay Nuezca. Na-raffle na umano ang kaso nito sa Tarlac Regional Trial Court Branch 67 at sinisimulan na rin ng PNP ang summary dismissal proceedings laban kay Nuezca na sinampahan ng kasong double murder.