Litsunan ng aso ni-raid: 3 arestado

Nadatnan pa ng mga operatiba ng CIDG at Animal Kingdom Foundation na nakatuhog ang dalawang aso na nakatakda sanang litsunin ng mga suspek na inaresto sa Laur, Nueva Ecija kamakalawa.
AKF

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Sinalakay ng awtoridad ang ­ilegal na litsunan ng aso na nagresulta sa pagkadakip ng tatlong mister sa Laur, Nueva Ecija kamakalawa.

Sa report, aktuwal na nahuli ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group at Animal Kingdom Foundation (AKF) ang pag litson sa dalawang kinatay na aso sina Avelino Aves, Mardel Morados at ang umano’y pasimuno na si Anthony Laureta na mga residente sa nasabing bayan.

Nabatid sa mga suspek na order sa kanila ang kakaibang litson upang gawing pulutan sa idaraos na Christmas party sa hindi tinukoy na lugar.

Bukod sa ebidensiyang lilitsuning hayop ay kinumpiska ng awtoridad ang mga gamit nila sa katayan at pag litson.

Sa pahayag ng AKF, illegal ang pananakit, pagpatay at pagkain sa mga aso alinsunod sa RA 1998 o Animal Welfare Act bukod sa batas proteksiyon laban sa paglaganap ng Rabies na siyang isinampa nila laban sa tatlong inaresto.

Show comments