4 wild hunter sumambulat sa bomba!

Kinilala ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson Maj. Salman Saad ang mga nasawi na sina Leo Baloro, 24; Nito Bacayan, 22; Lito Angcap, 22, at Francis Alcaba, 32, na mga taga-Barangay Poblacion, Bacolod, Lanao del Norte.
STAR/ File

NORTH COTABATO, Philippines — Apat sa anim na wild boar hunter o ma­ngangaso ng baboy ramo ang nasawi matapos masabugan ng bomba na pinaniniwalaang itinanim ng mga teroristang Dawla Islamiya sa bukirin ng Madalum sa Lanao del Sur, iniulat kahapon.

Kinilala ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson Maj. Salman Saad ang mga nasawi na sina Leo Baloro, 24; Nito Bacayan, 22; Lito Angcap, 22, at Francis Alcaba, 32, na mga taga-Barangay Poblacion, Bacolod, Lanao del Norte.

Ang mga nakaligtas ay nakilala namang sina Christopher Allen, 18 at Anoy Ancap, 58.

Sinabi ni Saad na ang anim na kalalakihan ay mga wild pig hunter at hindi nila nalaman na nakarating na sila sa lugar na sakop ng Madalum.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pagsabog ng improvised explosive device (IED) na itinanim sa bukid ng mga rebelde sa Sitio Bangko, Barangay Tongan-Tongan ng nasabing bayan.

Habang naghahanap ng baboy ramo ang anim ay biglang may malakas na pagsabog. Dito nakita nina Ancap at Allen na nakahandusay na ang apat na kasama kaya’t agad silang humingi ng tulong sa Munia Police Station, mula sa katabing bayan ng Masalum na agad rumesponde sa lugar.

Show comments