TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Gaya ng inaasahan, libu-libong residente ang inilikas sa Isabela at Cagayan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng amihan at pagpapakawala ng tubig ng Magat dam simula noong Sabado ng gabi.
Nabatid na umabot sa 3,700 indibiduwal ang inilikas ng awtoridad sa nabanggit na dalawang lalawigan bunsod ng muling pagbaha matapos buksan ang anim na spill gates ng Magat dam dahil sa pagtaas ng antas ng tubig.
Sa report ng Isabela Disaster Risk Reduction Management Office; 2,317 katao mula sa 627 pamilya ang inilikas sa 30 evacuation centers sa Ilagan City, Cauayan City at mga bayan ng San Pablo, Cabagan, Tumauini, Delfin Albano, Sta. Maria, San Isidro, Mallig, Quezon, Cordon, Benito Soliven at San Mariano.
Ang Ilagan City ang pinakamalaking bilang ng evacuees na hindi bababa sa 230 pamilya.
Isang obrero naman ang nawawala matapos tangayin ng agos nang tangkaing tumawid sa lumaking ilog sa San Mariano, Isabela upang makauwi ng parehong araw.
Ang tulay sa Brgy. Divisoria, San Pablo na nag-uugnay sa Isabela at hangganan ng Cagayan sa Tuguegarao ay hindi na madaanan kahapon matapos itong lumubog sa tubig baha. Siyam na overflow bridges sa Isabela ang inilubog ng tumaas na ilog.
Noong Sabado ay ipinatupad ni Mayor Jefferson Soriano ang force evacuation sa mga Barangay ng Annafunan East, Annafunan West, Linao East, Cataggaman Pardo, Centro 09, Centro 1, Centro 10, Centro 11, Gosi Sur, Gosi Norte at Larion Bajo na dati nang lumubog sa malawakang pagbaha noong Nobyembre.
Sa Cagayan, may 1,445 evacuees ang naitala habang nagkaroon din ng pagtaas ng tubig sa mga bayan ng Ballesteros, Alcala, Solana, Lasam, Rizal at Baggao, Peñablanca, Amulung, Tuao, Sto. Niño, Sta. Ana at Enrile.