LABO,Camarines Norte, Philippines — Dalawa katao kabilang ang lider ng gun-for- hire group ang napatay matapos manlaban sa mga pulis na aaresto sana sa kanila sa Brgy. Anamean sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ang dalawang suspek na namatay noon din ay nakilalang sina Jonel Sayno Alcanzo, lider ng Alcanzo Gun-for-Hire Group na kasapi pa ng New People’s Army at Joseph Demate Piad alyas “Bukol”, pawang residente ng barangay.
Arestado naman sa follow-up operation ang isang kasama na si Nicolas Cal Placio.
Sa ulat ng pulisya, alas-4:30 ng hapon bitbit ang warrant of arrest laban kay Alcanzo ay sinalakay ng mga tauhan ng Regional Special Operation Unit ng Regional Intelligence Division 5, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit, Special Action Company ng Special Action Force, 501 Mobile Force Batallion at Camarines Norte Provincial Police Office ang kinaroroonan ng mga suspek.
Gayunman,habang papalapit ang mga operatiba ay pinutukan sila ng mga suspek dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis at napatay sina Alcanzo at Piad.
Nabawi mula sa mga suspek ang isang kalibre 45 baril, carbine rifle, kalibre 38, kalibre 22, isang granada, bandolier at mga bala para sa M16 armalite rifle at iba’t iba pang mga bala.