Dahil sa naglipanang pasaway na bata at matatanda
NUEVA ECIJA, Philippines — Dahil sa mga naglipanang pasaway o hindi sumusunod sa mga ipinatutupad na health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, pansamantalang ipinasara sa publiko ni Gapan City Mayor Emerson “Emeng” Pascual ang mga tourist attractions sa kanilang lungsod kahapon, Disyembre 14.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Mayor Pascual na sarado muna ang kanilang plaza, ang night market at ang bagong ipinagmamalaking “Lumang Gapan” na tinawag ng mga turista na “Little Vigan, ala Calle Crisologo”.
Sinabi ng alkalde na bagama’t sinusunod nila ang health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF), may mga pasaway na bata at senior citizens na naglipana sa mga nabanggit na lugar.
Aniya, mayroon din silang CCTV footages na nagpapakita na may mga magulang ang pilit na idinaraan sa bakod ang kanilang mga anak dahil ‘di makapasok sa gate at kapag nasita ay mang-aaway pa umano ng pulis at IATF personnel.
“Nawawala na ang social distancing at meron mass gathering na nangyayari at ayaw natin ito na maging mitsa ng muling pagdami ng COVID patients,” pahayag ni Pascual na nagsabing ia-assess pa nila ang sitwasyon kung kailan uli sila magbubukas sa publiko.
“Masaya po ako na nakikita kung gaano kasigla at kasaya ang Gapan lalo na at papalapit ang kapaskuhan. Pero nag-aalala po ako dahil meron COVID na hindi natin nakikita. Kaya masakit man po sa amin, napagkasunduan namin ng IATF na pansamantalang isarado na ang mga pasyalan dito,” pagtatapos ng alkalde.