MANILA, Philippines — Patay ang isa sa mga suspek sa pambobomba sa isang mall matapos umanong manlaban sa ginawang pagsalakay ng tropa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Brgy. Bagua 2, Cotabato City kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni CIDG-Maguindanao chief Major Esmael Madin ang nasawing suspek na si Abraham Abdulrahman alias “Abu Suffian”.
Sinabi ni Madin na nagulat si Abdulrahman nang nasa loob na ng kanyang safehouse ang mga pulis at agad nitong kinuha ang baril sa ilalim ng kanyang unan at nagpaputok. Gumanti ang mga pulis kaya’t napatay si Abdulrahman na nakuhanan ng isang cal. 45 pistol, mga bala, granada, bomb making component at cellphone.
Nabatid na si Jasmiya Ibrahim na kasama ni Abdulrahman ang target sa operasyon pero nakatakas ang una. Siya ay may arrest warrant na ipinalabas ni Judge Allan Edwin Boncavil ng 12th Judicial RTC Branch 19 sa Isulan, Sultan Kudarat, dahil sa kasong illegal possession of firearms.
Magugunita na dalawa ang nasawi at 34 ang sugatan sa pambobomba sa harap ng Southseas mall sa Magallanes St. sa Cotabato noong Disyembre 31, 2018. Isa sa mga nagpasabog noon ay si Abdulrahman.