ATIMONAN, Quezon, Philippines — Isang crew ang patay habang 21 katao ang nasagip nang lumubog ang sinasakyan nilang pampasaherong bangka na hinampas ng mga dambuhalang alon sa karagatang sakop ng Brgy. Angeles, dito, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang nasawing crew na si Jommel De Leon, 45-anyos, may asawa at residente ng Perez, Quezon.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-11:20 ng umaga nang umalis sa Atimonan Feeder Port patungong Alabat, Quezon ang bangkang MB Gesu Bambino na may sakay na 17 pasahero at 5 crew kabilang si De Leon. Pero habang naglalayag sa dagat at nasa layong 500 metro na mula sa pampang ay hinampas ng malalaking alon ang passenger boat na naging sanhi upang lumubog ito.
Tumalon umano sa tubig si De Leon na may hawak pang lubid pero sa kamalasan ay naputol ito hanggang sa hindi na lumutang ang biktima. Tiyempo namang dumaraan ang mga MV Pinoy RORO at MV CA John Daniel cargo ship at isa-isang nailigtas ang mga sakay ng lumubog na bangka.
Sa search and retrieval operations ng mga awtoridad, dakong alas-3:00 na ng hapon nang makitang wala nang buhay at palutang-lutang sa dagat ang biktima.