Tagudin, Ilocos Sur isinailalim sa MECQ, ‘COVID-19 Busters’binuo

TUGUEGARAO CITY, Philippines — Isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson ang bayan ng Tagudin matapos makapagtala ng biglaang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 mula Nob.30 hanggang Disyembre 14.

Sa kanyang ni­lagdaang Executive Order No. 46, layunin ng kautusan na limitahan ang paggalaw ng mga residente at pagpasok ng mga taong nagmumula sa labas ng bayan upang masawata ang pagkalat ng virus.

Ang deklarasyon ni Gov. Singson ay sasailalim sa pahintulot ng Regional Inter- Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Di­seases.

Ayon sa gobernador, 12 sa kabuuang 22 kaso ng COVID-19 sa Ilocos Sur ay mula sa bayan ng Tagudin na napansing mabilis ang paglobo ng mga kaso nitong mga nakaraang limang araw lamang.

Sa kabilang dako, binuo ni Tagudin Mayor Roque Versosa Jr. ang “COVID Busters” sa lahat ng barangay sa kanyang teritoryo upang isagawa ang “3:00 o’clock disinfection habit.” Hiniling nito sa lahat ng mga magsasaka sa Tagudin na mayroong “sprayer” na lumahok sa “synchronized disinfection” upang maibsan ang virus sa munisipalidad.

Show comments