TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Mag-uumpisa na ngayong araw, Disyembre 1 ang night market sa Baguio City matapos ibigay ni Mayor Magalong ang kanyang hudyat na naglalayong mapanumbalik ang kabuhayan ng may 1,000 negosyante sa lungsod.
Ayon kay Magalong, ang hakbang ay upang buhayin muli ang ekonomiya ng Baguio na naging matumal mula nang pumutok ang pandemya ng COVID-19 sanhi upang magsara ang karamihang negosyo sa lungsod.
Sinabi ni Market Supt. Fernando Ragma Jr. na ginawa nila alinsunod sa health standards ang pagsasaayos sa mga puwesto sa night market upang maibsan ang siksikan.
Aniya, mula sa dating 1.5 metro kuwadradong stall ay pinaluwag na nila ito ng dalawang metro habang ginawang three lanes na lamang ang hilera ng mga tindahan mula sa lima. Pinaluwag din ang eskinita na maaaring pasukin ng fire truck.
Nabatid na bukas ang night market mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-11:30 ng gabi.