Fliptop rapper ‘J-King’ tiklo sa 1.8-K marijuana

J-King
STAR/File

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang isang sikat na fliptop rapper na si “J-King” at isang kaibigan nito matapos silang masabat at mahulihan ng halos dalawang kilong marijuana sa nakalatag na police checkpoint sa Brgy. Bitas, dito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Capt. Lester Zafra, hepe ng Highway Patrol Group Nueva Ecija, ang mga suspek na sina Julius Cenon na mas nakilala sa bansag na J-King, 27-anyos, binata, ng Brgy. Aduas Sur at Nhel Anthony Manabat, 24, binata, ng Barangay Imelda, Cabanatuan City.

Ayon kay Zafra, bandang alas-4 ng hapon noong Sabado, pinara ng mga pulis ang isang motorsiklo na may magkaangkas na lalaki na kapwa  walang suot na helmet.  Nang sitahin ang bitbit na bag ng dalawa ay tumambad ang mga droga na nakabalot sa dalawang malaking plastic.

Sa beripikasyon, dito nakilala ang katauhan ng dalawang suspek na nakumpiskahan ng 1.8 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P240,000 at isang pipe tooter.

Ang motorsiklo na may improvised plate na THAI-777 ng mga suspek ay natuklasan na hindi rehistrado.

Sasampahan si J-King at kasama nito ng mga kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A. 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Show comments