SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Sugatan ang isang opisyal ng pulisya matapos tamaan ng bala nang tambangan ang kanyang sinasakyang patrol car kasama ang tatlong tauhan sa Peñablanca, Cagayan, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang opisyal na si P/Lt. Randy Baccay, deputy chief of police ng Peñablanca Police Station.
Batay sa ulat, habang lulan ng patrol car at nagsasagawa ng anti-illegal logging operation sina Baccay kasama ang tatlong tauhan nang sila ay tambangan at paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek pagsapit sa may Sitio Dalayat, Brgy. Minanga dakong alas-7:00 ng gabi.
Nagtamo si Baccay ng bala sa ibabang bahagi ng kanyang baywang habang mapalad na hindi tinamaan ng mga bala ang tatlong pulis na kasama.
Ang pananambang sa tropa ni Baccay ay kasunod ng pagkakasabat ng mga tauhan ng Peñablanca Police ang mahigit sa 3,000 board feet na mga pinutol na kahoy sa nabanggit na lugar.
Matatandaan na unang tinukoy ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang bayan ng Peñablanca bilang hot spot zone ng illegal logging sa Cagayan.