Mag-asawang lider ng CPP-NPA utas sa raid
MANILA, Philippines — Patay ang isang mag-asawa na kapwa pinaniniwalaang lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), matapos na umano’y manlaban sa mga awtoridad habang sinisilbihan ng warrant of arrest sa kanilang tahanan sa Angono, Rizal kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Rizal Police Provincial Office (PPO) director Col. Joseph Arguelles, patuloy silang nagsasagawa ng beripikasyon kung ang napatay sa engkuwentro ay ang mag-asawang sina Agaton Topacio at Eugenia Martinez Magpantay, na kapwa opisyal ng Central Luzon Regional Committee (CLRC) ng CPP-NPA.
Lumilitaw sa initial report ng RPPO na alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang engkuwentro sa tahanan ng mag-asawa sa 12 Kinglet St., Meralco Village, Brgy. Mababang Parang, Angono.
Nauna rito, naglunsad ng “Oplan Paglalansag” ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 4, Rizal PPO at Angono Police sa naturang lugar at target nito ang mag-asawang Topacio at Magpantay. Sisilbihan umano sana nila ng warrant of arrest sa mga kasong murder at attempted homicide na inisyu ni Judge Miguel Asuncion ng Regional Trial Court (RTC) Fourth Judicial Region, Antipolo City noong Nobyembre 23, 2020. Gayunman, bago pa man sila makalapit sa bahay ng mag-asawa ay agad umano silang pinaulanan ng mga bala ng baril. Dito umano napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad at tinamaan ang mag-asawa.
Tinangka pang isugod sa Rizal Provincial Hospital System Angono Annex ang mga suspek ngunit patay na nang mairating ng mga pulis doon.
Batay sa rekord ng mga awtoridad, si Magpantay na may alyas na “Reming” at “Milan” ay dating secretary ng CLRC at Northern Luzon Commission ng CPP-NPA habang si Topacio ay pinuno umano ng national secretariat ng CPP-NPA.
- Latest