NORTH COTABATO, Philippines — Isang 51-anyos na babaeng negosyante ang patay makaraang pagbabarilin sa ulo ng mga ‘di nakilalang suspek sa Arellano St, Zone III, Koronadal City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilala na si Maria Ruby Garcia, may-ari ng vulcanizing shop sa lugar.
Ayon sa isang saksi sa pamamaril na si alyas “Noy”, bigla umanong nilapitan ng isa sa mga suspek si Garcia at pinaputukan ng dalawang beses sa ulo saka tinangay ang bag nito, dakong alas-6:30 ng gabi. Lalapitan pa sana umano nila ang biktima para tulungan ngunit tinutukan din sila ng baril ng mga suspek.
Sakay ng pick-up, agad na tumakas ang mga salarin sa direksyon papuntang Barangay Sta. Cruz ang mga salarin.
Dahil dito, tinangka pang habulin ng mga saksi ang mga suspek upang makuha ang plaka ng get away vehicle na gray pickup ngunit hindi na nila naabutan.