BAGUIO CITY, Philippines — Nasabat ng mga otoridad ang mahigit P400,000 halaga ng shabu matapos madakip ang top 2 sa drugs watchlist ng Cordillera region at nobya nito habang nagsasagawa ng pot session sa isang bahay, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Imelda ng lungsod.
Sa report ng pulisya, alas-8:40 ng gabi nang lusubin ng mga operatiba ang bahay ni Joseph Stephen Alsisto, 27 matapos isuplong ng mga impormante.
Pagdating sa bahay ng mga otoridad ay huli nila sa akto si Alsisto na bumabatak ng shabu kasama ang dyowa na si Denise Gayle Valencia, 26. Habang nakatakas ang dalawa nilang kasama.
Nasamsam sa magdyowa ang 65 gramong shabu na tinatayang may halagang P442,000; mga drug paraphernalia, bala at mga boga na kalibre 9mm at kalibre 45.