TUGUEGARAO CITY, Philippines — Nagbanta si Cagayan Governor Manuel Mamba na kanilang kakasuhan ang pamunuan ng Magat dam sa Ramon, Isabela dahil sa matindi umanong kapabayaan at sa danyos na idinulot nito sa mamamayan matapos ang malawakang pagbaha sa kanyang teritoryo noong nakaraang linggo.
Himutok ni Mamba, bagama’t biyaya sa Isabela ang patubig na dulot ng dam sa pananim doon, wala namang nakukuhang pakinabang ang Cagayan sa operasyon ng Magat dam bagkus sila ang napeperwisyo sa tuwing nagpapakawala ito ng tubig sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Mamba, patuloy siyang inuudyukan ng mga tao na tuluyan nang sampahan ng kaso ang National Irrigation Administration na siyang nangangasiwa sa Magat dam.
Sa report ng Office of the Civil Defense, anim sa 10 namatay sa Cagayan noong nagdaang bagyo ay may kaugnayan sa baha habang libu-libong katao ang nailikas.
Sa pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan, sinabi nitong dapat ay mayroong ahensiyang mangangasiwa sa pagpapalabas ng tubig sa dam sa panahon ng kalamidad upang maiwasan ang trahedya.