Ilang lugar sa Rodriguez, Rizal nabalot ng putik

Matinding hirap ang inaabot ng mga residente ngayon sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal matapos na halos hanggang tuhod pa rin sa putik ang kanilang buong paligid at maging sa loob ng mga kabahayan bunsod ng pagragasa ng matinding baha roon dulot ng bagyong Ulysses.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Balot pa rin sa putik ang maraming lugar sa Rodriguez, Rizal lalo na sa mga lansangan at kabahayan dulot ng matinding pagbaha dahil sa bagyong Ulysses.

Partikular na apek­tado ng makapal na putik ang Brgy. Kasig­lahan na nananatiling­ walang suplay ng kur­yente at walang tubig ang barangay.

Bagama’t walang nasaktan dito, hindi na­man malinis ng mga re­sidente roon ang halos hanggang tuhod at makapal na putik na iniwan ng bagyo sa kanilang tahanan dahil wala namang tubig na magagamit sa paglilinis.

Bunsod nito, nana­wa­­gan na ng tubig ang mga residenteng naapektuhan sa matinding pagbaha sa lugar at maging ang daan-dang pamilya na nasa evacua­tion center dahil wala silang mainom na tubig at wala ring magamit dahil walang suplay ng tubig sa buong bayan.

Sa kabila nito, kahit wala nang ulan at nakaalis na ang bagyong Ulysses ay mataas pa rin ang water level sa dam malapit sa lugar kaya’t nangangamba rin ang mga residente sa posibleng pagpapaka­wala ng tubig sa dam at maaaring maapektuhan na naman sila sa matinding pagbaha.

Patuloy naman ang pagkakaloob ng ayuda ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez tulad ng mga pack foods para sa mga apektadong residente.

Show comments