TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Isinailalim sa lockdown mula kahapon ang St. Michael’s Cathedral, ang mga tanggapan sa ilalim ng Diocese of Ilagan at ang Palasyo ng Obispo sa Gamu, Isabela matapos magpositbo ang nakatira roon na si Bishop William Antonio.
Sa social media advisory na ipinalabas ng Dioceses of Ilagan, pinayuhang sumailalim sa 14 days quarantine ang mga nakadaupang palad ng Obispo nitong mga nakaraang araw at pakiramdaman ang sarili sa anumang sintomas ng lagnat, panghihina, pagkati ng lalamunan, pag-ubo, kawalan ng panlasa at pang amoy, pananakit ng kalamnan at pagtatae.
Gayunman, ayon sa pabatid, nananatiling asymptomatic o walang nadaramang sintomas ang lider ng simbahan.
Nabatid sa otoridad na nalamang may COVID ang Obispo matapos itong sumailalim sa swab test upang kumuha ng travel pass pauwi sa kanyang probinsiya sa Ilocos region
Bunsod ng pangyayari, inilunsad ng otoridad ang malawakang contact tracing upang matukoy kung saan at paano dinapuan ng virus ang Obispo.
Ilang mga Kaparian, kawani at kasambahay sa Bishop’s Palace ang sumailalim din sa quarantine habang isinagawa ang disinfection sa lugar.
Si Bishop Antonio ang ikalawang alagad ng simbahan sa Isabela na kinumpirmang may COVID-19 kasunod ng isang pari na nagpositibo matapos dumalo ng burol at nagbasbas ng patay sa bayan ng Naguilian noong Agosto.