Trader itinumba sa loob ng pickup
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harapan ng isang motel habang kasama nito ang isang hindi kilalang babae sa Brgy. Pitogo, Consolacion, Cebu nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Ray Godines Yuson, 39-anyos ng Brgy. Jubay, Liloan ng lalawigang ito.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, alas-9 ng gabi nang paslangin ang biktima sa loob ng pickup truck nito na nakaparada sa harapan ng isang motel sa nabanggit na lugar.
Base sa pahayag ng ilang mga testigo, ang biktima ay nakitang nagmamaneho ng kanyang behikulo kasama ang isang hindi nakilalang babae papasok sa nasabing motel.
Ilang saglit pa ay biglang sumulpot ang magkaangkas sa motorsiklong mga suspek na nakabuntot sa biktima. Bumaba umano ang isa saka binuksan pa ang pintuan ng behikulo ni Yuson bago pinagbabaril sa mukha.
Ang dalawang suspek at ang babaeng kasama ni Yuson sa behikulo ay mabilis na tumakas na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.
Sinabi ni P/Major Verniño Noserale, hepe ng Consolacion Police Station na pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa krimen dahil tinangay ng mga suspect ang sling bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa madeterminang halaga.
Kasalukuyang sinusuri ng pulisya ang kuha ng CCTV footages sa crime scene habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest