TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — COVID-19 free na muli ang Batanes matapos makarekober ang dalawang kaso doon ayon kay Governor Marilou Cayco kahapon.
Ang magandang balita ay masayang ibinahagi ni Cayco sa kanilang “Laging Handa” briefing at sinabing nakalabas na ang dalawang pasyente sa quarantine facilities.
Ang dalawa ay pawang mga locally stranded individual (LSI) mula Pasay City at Sta. Rosa, Laguna na umuwi sa isla sakay ng isang Philippine Air Force flight noong Setyembre.
Nabatid na ang dalawa ay nanatiling asymptomatic at malusog sa inilagi nila sa isla sa pag-aaruga ng mga health authorities.
Ayon kay Cayco, mayroon pang 95 na umuwing mga LSIs at overseas Filipino workers (OFWs) na nasa quarantine facilities ng lokal na pamahalaan subalit wala ni isa man sa kanila ang nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
Bagama’t nagpahayag ang gobernador ng intensiyong luwagan ang panuntunan nila sa mga bisita, naunang inirekomenda ng Provincial Task Force on COVID-19 sa Sangguniang Panlalawigan na panatilihing sarado ang Batanes sa mga turista at hindi residente hangga’t wala pang nakikitang lunas sa kasalukuyang pananalanta ng pandaigdigang pandemya.