MANILA, Philippines — Dahil sa pagtama ng bagyong Rolly, maraming lugar sa bansa ang naparalisa sa suplay ng kuryente.
Sa ipinalabas na ulat ng National Electrification Administration (NEA) kahapon, nananatiling walang suplay ng kuryente sa Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Masbate at Sorsogon sa Bicol Region gayundin sa malaking bahagi ng Quezon, Laguna, Batangas sa Calabarzon at sa ilang bahagi ng northern Samar at western Samar sa eastern Visayas Region.
Ito ay dahil sa pagkasira ng mga poste ng kuryente at iba pang pasilidad ng 17 electric cooperatives sa nabanggit na mga lalawigan dahil sa bagsik ng hagupit ng bagyong Rolly.
Ayon sa NEA, partikular na bumagsak ang power supply ng Camarines Sur I, II, III at IV Electric Cooperatives (Casureco I, II, III at 4); Camarines Norte Electric Cooperative (Canoreco), Albay Electric Cooperative at ang Sorsogon I at II Electric Cooperatives (Soreco I at Soreco II).
Sa datos pa lamang ng lalawigan ng Albay, nasa 80-90 porsyento na ng mga poste ng kuryente ang pinatumba ng malakas na hangin na dala ng bagyong Rolly.
Sa Calabarzon, wala ring suplay ng kuryente ang mga lugar na sineserbisyuhan ng Quezon Electric Cooperative I (Quezelco I), First Laguna Electric Cooperative (Fleco), Batangas I & II Electric Cooperative (Batalec I & II).
Habang sa Eastern Visayas, bagsak din ang pasilidad ng Northern Samar Electric Cooperative (Norsamelco) maging ang Samar II Electric Cooperative (Samelco II) may ilang mga bayan sa kanilang franchise area ang mayroon nang suplay ng kuryente.
Sa ngayon, magkatuwang ang mga tauhan ng electric cooperatives ng NEA at National Grid Corporation (NGCP) para maibalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng kuryente sa mga lugar na binayo ng bagyo.