Border ng Baguio at Benguet hinigpitan

Ayon kay Itogon Ma­yor Victorio Palangdan; sa 974 na sumailalim sa swabbing, 159 ang nagpositibo at 150 sa mga ito ay mula Barangay Virac.
STAR/Artemio Dumlao, file

Matapos magtala ng 159 COVID-19 cases ang Itogon

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Ipinag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang ibayong paghihigpit ng border sa pagitan ng Baguio at Itogon, Benguet matapos makapagtala ang huli ng pinakamala­king bilang na 159 na nagpositibo sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw kamaka­lawa. 

Batay sa report ng awtoridad, sa halip na sina­lanta ng ulan at hangin noong kasagsagan ng bagyong Rolly, “inulan” ng virus ang nangyaring mass testing sa Itogon.

Ayon kay Itogon Ma­yor Victorio Palangdan; sa 974 na sumailalim sa swabbing, 159 ang nagpositibo at 150 sa mga ito ay mula Barangay Virac.

Bunsod ng pangyayari; napagkasunduan nina Magalong at Palangdan na isailalim sa temporary res­trictions ang kanilang mga teritoryo mula ngayong araw hanggang Nobyembre 15.

Sa ilalim ng restrictions, kinakailangang magpakita ng valid ID at health clearances ang mga residenteng magtatangkang tumawid sa magkabilang teritoryo at sumailalim sa pagsusuri ng health triage.

Sa ngayon ang Itogon ay may 512 confirmed COVID-19 cases, 426 ang aktibo habang apat ang nasawi.

Show comments