MANILA, Philippines — Pinangangambahan ngayon ng ilang residente sa Batangas ang lalong paglalim at paglaki ng ilang "fissures" — o bitak sa lupa — na nilikha ng Bulkang Taal nitong Enero, bagay na lumala sa pagdaan ng noo'y Super Typhoon Rolly nitong weekend.
Ayon sa otoridad ng baranggay Mataas na Bayan sa bayan ng Lemery, Batangas, nangyari ang nabanggit dahil sa "erosion" na nangyari sa lupa sanhi ng dumaang bagyo — na pinakamalakas sa daigdig ngayong 2020.
Hindi bababa sa 10 metro ang lalim ng mga naturang bitak, sabi ng Lemery Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ngayong Lunes.
LOOK | Nangangamba ang ilang taga-Barangay Mataas na Bayan, Lemery, Batangas dahil sa malalim at malaking bitak sa lupa. Ayon sa mga residente, nagkaroon ng bitak matapos ang pagputok ng Taal Volcano noong Enero. @News5PH @onenewsph pic.twitter.com/0TmZ0Mgoha
— JC Cosico (@JCCosico) November 2, 2020
Maliban sa Lemery, pinabaha rin ng nasabing bagyo ang ilang bahagi ng Batangas nitong Linggo gaya na lang ng lungsod ng Lipa.
Pinaguho rin ng sama ng panahon ang ilang lupa sa baranggay San Miguel sa Lobo, Batangas, dahilan para mahirapang makatawid ang maraming residente.
Matatandaang sumabog at umabot sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal noong Enero, dahilan para lumikas ang libu-libong katao sa iba't ibang bahagi ng Luzon.
Sa lakas ng pagsabog, umabot pa hanggang Metro Manila ang ilan sa mapanganib na "volcanic ash" ng Taal.
Una nang sinabi ni Renato Solidum, officer-in-charge ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na delikado ang mga nasabing fissures at dapat layuan ng mga residente.
"Delikado yan at pag may malakas na lindol, gagalaw pa yan. Ang suggestion namin ay iwasan ang mga bitak na lupa, at least 5 meters away," ani Solidum 10 buwan na ang nakalilipas.
Umabot na sa 16 ang patay sa bagyong "Rolly," marami mula sa probinsya ng lalawigan ng Catanduanes.
Umabot ito hanggang Signal no. 5 sa ilang probinsya ng Bikol, ngunit nasa 225 kilometro na ito kanluran ng Iba, Zambales ngayong 4 p.m., ayon sa huling ulat ng PAGASA. — James Relativo at may mga ulat mula kay News5/JC Cosico