MANILA, Philippines — Labis ang takot at animo’y katapusan na ng mundo ang naramdaman ng mga residente sa tatlong barangay sa Palimbang, Sultan Kudarat nang biglang tumama sa kanila ang malakas na ipo-ipo.
Sa ulat ng mga awtoridad, ang tatlong lugar na hinagupit ng ipo-ipo ay ang Brgy. Milbuk, Brgy. San Roque at Brgy. Libuan na malapit lamang sa baybayin.
Ayon kay Renante Calzado na residente ng Brgy Milbuk, nabuo umano ang ipo-ipo mula sa dagat at mabilis na kumilos at tumama sa mga kabahayan kasabay ng malakas na buhos ng ulan.
Bunsod nito, maraming mga puno, bubong ng bahay at mga pananim ang sinalanta.
Agad ring nagtulung-tulong ang mga kawani ng Palimbang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at Katiacap Emergency Reaction Group upang maalis ang mga debris na nakakalat sa lugar habang namahagi ng tulong ang LGU-Palimbang sa mga pamilya na hinagupit ng Ipo-ipo.