MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) na tatlo ang patay at apat pa ang nawawala habang isa ang nasugatan sa pananalasa ng bagyong Quinta.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, ang tatlong biktima ay pawang nalunod matapos rumagasa ang tubig-baha. Isa sa mga biktima ay naitala sa Mogpog sa Marinduque habang ang dalawa ay sa Negros Oriental.
Umabot na sa kabuuang 914,709 katao o 237,948 pamilya ang apektado ng pananasala ng bagyo.
Sa ngayon, nasa 843 mga evacuation centers ang okupado sa National Capital Region, Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Regions 5, 6, 7 at 8.
Sa lalawigan ng Aurora, maraming lansangan at tulay sa Dilasag, Aurora ay hindi pa rin nadaraanan dahil nananatiling lubog sa tubig baha.
Batay sa advisory ng Dilasag MDRRMO, hindi passable sa medium at light vehicles ang Ditubo River dahil sa pag-apaw ng tubig.
Umapaw din ang Sapsap River at isinara ito sa lahat ng uri ng sasakyan. Ang Quary River naman ay hindi rin maaaring madaanan ng medium at light vehicles.
Samantala, mula sa dating 13 napaulat na nawawala ay bumaba sa apat matapos matagpuan ang 9 na mangingisda sa Camarines Sur habang pinaghahanap pa ang iba kabilang ang isa mula sa lumubog na yate sa Bauan, Batangas.
Natagpuan na ang 9 na mangingisda mula sa Albay na nawawala matapos na isa-isa silang nailigtas ng search and rescue team habang palutang-lutang sa dagat na sakop ng Catanduanes at Northern Samar makaraang hampasin at pataubin ng naglalakihang alon ang kanilang bangkang pangisda sa gitna ng karagatan dahil sa bagyong Quinta.
Unang iniulat na natagpuan dakong alas-2 ng hapon noong Linggo sina Rico Alamil, ng Brgy. Buhatan, Sto. Domingo; Jaycee Adornado at Michael Bilon, pawang residente ng Brgy. Gaba, Rapu-rapu, Albay.
Dakong ala-1 ng madaling araw noong Sabado ay pumalaot ang tatlo pero pagdating sa gitna ng dagat ay hinampas sila ng malalaking alon hanggang mapadpad ang kanilang bankang de-motor sa Brgy. Kayawagan, Laoang, Northern Samar.
Samantala, alas-6:35 ng umaga kamakalawa, sa tulong ng ilang mangingisda ay natagpuan din ng binuong search and rescue team sa karagatang sakop ng Brgy. Balite sa Virac, Catanduanes habang palutang-lutang ang anim pang mangingisda na sina Johsua Bora, 22; Christopher Bora, 25; Elorde Manlangit Bora, 21; Julius Boqueo, 33; Arnulfo Borral, 35 at Anthony Borral, 31, pawang taga-Brgy. Sagurong, San Miguel Island, Tabaco City. Patuloy pang pinaghahanap ng mga rescuers ang isa pa nilang kasamahang si Joselito Ouapeuprecua.
Sa kuwento ng anim na nakaligtas, magkakasama umano silang pumalaot noong Oktubre 21 pero inabutan sa gitna ng karagatan ng bagyong Quinta.
Sa lakas ng hangin at gahiganteng alon ay tumaob at tuluyang lumubog umano ang kanilang bangkang pangisda dahilan para magkanya-kanya silang langoy hanggang masuwerteng unang nakita sina Bora at Boqueo ng mga mangingisda mula sa Virac habang palutang-lutang kaya bumuo agad ng search and rescue team ang LGU-Virac at nailigtas pa ang apat nilang kasama.