MAGUINDANAO , Philippines — Siyam na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ni Major General Juvymax Uy, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at ng Joint Task Force Central sa isinagawang programa ng ika-33 taong anibersaryo ng Kampilan sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga mga sumuko na sina Rahib Baguindali Nawal, ang kumander ng grupo; Abdulrahim Kinona Mariano alias “Junior”, isang taga-gawa ng bomba; Zed Baguindali Nawal alias “Jerome”, Mamalinta Em Abdul alias “Alvin”, Kasim Mujahid Abdul alias “Bots”, Abdul Rafael Kanda alias “Pai”, Jessie Abunawas Abdul alias “At”; Surab Badullah alias “Bhods” at Mentato Mesol alias “Palangan”.
Ang 9 na bandido ay iprinisinta ni Maj. Gen. Uy kay Philippine Army commanding general Lt. General Cirilito Sobejana at kay WestMinCom commander Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr. kasama si 1st Mechanized Infantry Brigade commander Brig. Gen. Jesus Rico Atencio sa programa ng Kampilan. Isinuko rin nila ang kanilang mga armas na M4A1 carbine cal. 5.56mm, isang Bushmaster cal. 5.56mm, isang HK 416 cal. 5.56mm, isang Elisco M16A1, isang M14 rifle cal 7.62mm, dalawang cal. 50 sniper rifle, dalawang RPG at dalawang RPG ammunitions.