LEGAZPI CITY, Philippines — Isang barangay kagawad ang nasawi nang ito ay barilin sa ulo habang nagmomotor sa kahabaan ng Maharlika National Highway, Brgy. Esperansa sa bayan ng Pilar, Sorsogon, kahapon ng umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si Simeon Aringo Militante Jr., binata, incumbent kagawad at residente ng nasabing barangay. Hindi naman nakilala ang suspek na tumakas sa hindi malamang direksyon.
Sa ulat, alas-9:00 ng umaga ay sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng highway nang biglang sumulpot ang hindi nakilalang suspek at walang kaabog-abog na barilin sa ulo at patay na nahulog sa kanyang motor.