TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Apat na kawani ng PhilHealth sa lungsod na ito ang sunud-sunod na nagpositibo sa COVID-19 nitong nakaraang dalawang linggo at umano’y nakahawa pa ng iba.
Ayon sa Provincial Health Office (PHO), unang nagkaroon ng exposure ang isang 52-anyos na kawani ng ahensiya sa nurse ng COVID ward ng isang Hospital sa lungsod na ito matapos magkadaupang palad sa isang religious fellowship sa Enrile, Cagayan.
Ang naturang kawani ay nakahawa ng kaopisina sa lungsod na ito na dahilan kung bakit nagkaroon ng lockdown and Panrehiyonal at lokal na tanggapan ang PhilHealth noong Oktubre 16.
Pangatlong nahawang kawani ay isang 50-anyos na lalaki na nakahawa rin sa kanyang anak na isang 13-anyos na dalagita na inuuwian nito sa bayan ng Gattaran.
Ayon sa PHO, ang huling nahawa sa nasabing tanggapan ay isang 42-anyos na mister na residente sa lungsod na ito na lumabas ang positibo nitong resulta sa virus kahapon.