GUMACA, Quezon, Philippines — Nadiskaril ang biyaheng Bicol na tren ng Philippine National Railways (PNR) sa mismong crossing ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Lagyo ng bayang ito na nagdulot ng halos dalawang oras na pagsisikip ng daloy ng trapiko, kahapon ng umaga.
Ang nasabing tren ay nagsasagawa ng test run para sa rutang Manila-Bicol nang madiskaril dakong alas-9:00 ng umaga at wala namang sakay na mga pasahero maliban sa mga kawani ng PNR at Department of Transportation (DOTR).
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Gumaca Police na pinamumunuan ni P/Major Rodelio Calawit, may mga bahagi ng riles ang malambot at lubog sa tubig bunsod ng ilang araw na pag-ulan kaya ito ang tinitingnang dahilan ng pagkadiskaril ng tren.
Mabilis namang inatasan ni Mayor Webster Letargo ang mga kawani ng Municipal Engineering at gumamit ng payloader at sa tulong na rin ng mga volunteers ay gumawa sila ng pansamantalang daan sa gilid ng kalsada para madaanan ng mga maliliit na behikulo matapos magkabuhul-buhol ang trapiko.
Naisaayos din ang pagbabara ng trapiko at pagkakadiskaril ng tren dakong alas-11:15 na ng umaga kahapon.