MARILAO, Bulacan - Sinalakay ng mga operatiba ng Optical Media Board (OMB) at mga pulis ang isang bodega na ginagamit na taguan ng mga luma at recycled na smuggled laptop sa 3M Compound Barangay Sta. Rosa ng nasabing bayan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni OMB Chairman Atty. Christian Natividad, nasa 5000 desktop computers at 8000 refurbishes laptop na nagkakahalaga ng P200 milyon na nakalagay sa iba’t ibang kahon ang nakumpiska sa loob ng bodega na inuupahan ng mga negosyanteng sangkot umano sa smuggling sa bansa.
Una nang natukoy ang bodega mula sa mga concern citizen kaugnay sa pagkukumpuni ng mga luma at recycled na laptop at desktop.
Nabatid na karamihan ng mga smuggled na electronics gadgets ay mula sa Korea, Japan at China.
Sa imbestigasyon ng OMB na pinapalitan umano ng mga technicians ang mga piyesa para magmukhang bagong muli ang naturang kontrabando.
Inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang tunay na may-ari ng mga smuggled na produkto.
Nanawagan si OMB chairman Natividad sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga recycled na computers partikular sa Maynila.