MANILA, Philippines — Isang 106-anyos na lolo ang iniulat na pinakamatandang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa Baguio City kahapon.
Ayon sa City Health Services Office, ang lolo na taga-Barangay Irisan ay nasa Baguio City General Hospital and Medical Center kung saan binibigyan ng maselang pangangalaga dahil sa kanyang katandaan.
Maliban sa walang kasaysayan ng paglalakbay ay wala pang ibang detalyeng nakakalap ang awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagkakahawa ng lolo sa virus.
Ang lolo ay kasabay sa 22 bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod na nagtala naman ng pinakamataas na bilang ng nagrekober na umabot sa 103.
Noong nakaraang Mayo, isang 77-anyos na lolo na nakaranas na ng stroke ang itinuring na pinakamatanda sa Baguio City na nakarekober sa COVID-19.