MANILA, Philippines — Wala nang buhay nang matagpuan ang isang dalagang meat vendor matapos na sakalin ng hinihinalang nobyo nito na kasama niyang pumasok sa isang motel sa Malasiqui, Pangasinan kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Brenda Bruno, 44-anyos at residente ng Barangay Cabatling sa bayan ng Malasiqui.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng babae sa loob ng isang silid ng motel sa Brgy. Cabilocaan ng nasabing bayan.
Bandang alas-9:30 ng umaga ng Sabado nang pumasok sa motel ang biktima kasama ang isang lalaki na driver ng tricycle.
Makalipas ang 15 minuto, umalis ang lalaki na sakay ng dalang tricycle at ilang oras na ang nakalilipas ay hindi pa rin bumabalik.
Dito na naghinala ang pamunuan ng motel at nagpasya silang pasukin ang kuwarto ng biktima. Laking gulat nila nang makitang nakahandusay na ang biktima sa sahig at walang ulirat.
Dinala pa sa ospital ang biktima pero idineklarang patay ng sumuring doktor dahil sa matindi umanong pagkakasakal.