NORTH COTABATO, Philippines — Dala ang kanilang plakards, nagsagawa kahapon ng kilos protesta ang daang magsasaka ng palay sa Mlang, North Cotabato, iniulat kahapon.
Inihayag ni Mlang Information Officer Hernard Dapudong, nasa limang irrigators association ang nakilahok sa isinagawang rally kung saan isa lamang ang kanilang hiling sa pamahalaan at ito ay ang taasan ang presyo ng produktong palay.
Nabatid na patuloy pa rin sa pagbaba ang presyo ng palay hindi lamang sa bayan ng Mlang kundi sa iba pang lugar sa probinsya simula noong harvest season lalo na ngayong nasa peak season ang mga mag-aani.
Sinabi ni Dapudong na sapat ang produktong palay ngayon sa bayan pero ang problema ay ang napakababang presyo o murang bilihan dahil na rin aniya sa pagdami ng imported na bigas.
Kabilang din sa sintiyemento ng mga magasasaka ay ang muling pagbalangkas sa Rice Tariffication Law o RTL na ipinatutupad ng pamahalaan at sana’y mapakinggan man lamang ang kanilang hinaing lalo na ngayong may kinakaharap pang krisis na dulot ng COVID-19. Ito rin anila ang dahilan kung bakit karamihan sa magsasaka ng palay ay lumipat na sa pagtatanim ng saging.