TUGUEGARAO CITY, Cagayan Philippines — Nasa 22 na sundalo ng Philippine Navy na lulan ng isang barko ang nagpositibo sa COVID-19 kasunod ng isinagawang pagsusuri sa kanila ng health authorities habang nakahimpil sa Ernesto Ogbinar Naval Station sa Barangay Poro, San Fernando City, La Union kahapon.
Ayon kay City Mayor Alfredo Pablo Ortega, ang bilang ng bagong kaso ng mga sundalo ang pinakamataas na naitala sa loob ng isang araw sa kanyang teritoryo.
Dagdag ng alkalde, bagama’t hindi taga-La Union ay itinala pa rin sa probinsiya ang bagong kaso ng 22 Navy personnel dahil sa San Fernando City isinagawa ang pagsusuri sa kanila ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU).
Ang barko ng Philippine Navy kung saan sakay ang mga nagpositibong sundalo ay pansamantalang dumaong sa La Union kahapon.
Ang mga nagpositibong sundalo ay nakatakdang ibiyahe sa isang pasilidad sa Metro Manila kung saan sila lalapatan ng kaukulang lunas.